Napakahirap ng naging buhay ni Edward Payson (1783- 1827). Namatay ang kanyang nakababatang kapatid at lubos niya iyong ikinalungkot. Nagkaroon siya ng sakit sa pag-iisip at madalas siyang atakihin ng sobrang pananakit ng ulo. Hindi lang iyon, nahulog din si Edward sakay ng isang kabayo at naparalisa ang kanyang braso. Halos ikamatay rin niya ang sakit sa baga. Pero sa kabila ng lahat, hindi nawalan ng pagasa si Edward. Nakakamangha ang tugon niya sa mga nangyari. Ayon sa mga kaibigan ni Edward, napakasaya niya bago siya mamatay. Paano niya nagawang maging masaya?
Nakaranas din ng matitinding pagsubok si Apostol Pablo at lubos siyang nagtiwala sa Dios sa kabila ng lahat ng iyon. Sinabi niya sa kanyang sulat, “Panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin” (ROMA 8:31). Kung naipagkaloob ng Dios si Jesus para maging kabayaran sa ating mga kasalanan, maipagkakaloob rin Niya ang lahat para sa atin.
Ayon din kay Pablo, may mga hindi magagandang bagay na maaaring mangyari sa atin na naranasan din niya: pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan, panganib, o kamatayan (TAL. 35). Hindi niya sinabi na pipigilan ng Dios ang mga ganitong bagay. Sa halip, sinabi niya na, “kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin” (TAL. 37).
Tunay na mapagkakatiwalaan ang Dios sa lahat ng pagkakataon. Nasa Kanya ang pag-asa natin at “kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios” (TAL.39).