May hindi magandang reputasyon ang mga bahaypanuluyang pag-aari ng mga Romano noong panahon ni Jesus. Kahit ang mga gurong Judio ay hindi iiwan ang mga alaga nilang baka sa mga ito. Dahil dito, umaasa na lamang ang mga naglalakbay na nagtitiwala kay Jesus sa kabutihang loob ng kapwa nila mananampalataya para may matirahan sila.
Bukod sa mga mananampalataya, may ilan din na nangangailangan ng matutuluyan. Kabilang sa mga ito ang mga nagtuturo ng mali at "nagsasabing hindi si Jesus ang Cristo" (1 JUAN 2:22). Sinasabi sa 2 Juan na hindi dapat tanggapin ang mga ito. Ipinaliwanag din sa aklat na ito na sino mang nagtitiwala na si Jesus ang Tagapagligtas ay "pinananahanan ng Ama at Anak" (TAL. 9).
Nagpaalala muli si Juan na “kung may dumating man sa inyo na iba ang ipinangangaral tungkol kay Cristo, huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong tahanan” (TAL. 10). Kung gagawin nila ito, parang nakikibahagi na rin sila sa kasamaan ng mga maling tagapagturo. Sa gayon, maaaring dumami lamang ang mga taong hindi magtitiwala kay Jesus.
Iba naman ang paglalarawan sa Aklat ng 2 Juan tungkol sa pag-ibig ng Dios. Handa mang tanggapin ng Dios ang lahat ng lalapit sa Kanya at patatawarin ang nagpapakumbaba sa Kanyang harapan, hindi Niya kalulugdan ang mga nagpapalaganap ng kasinungalingan na ikapapahamak ng kanilang sarili at ng ibang tao.