Nagpapagasolina ako ng sasakyan namin nang may makita akong isang marumi at makapal na sobre sa sahig. Pinulot ko at sinilip ito. Nagulat ako nang makita kong may laman itong isang daang dolyar.
Maaaring nag-aalala na sa kahahanap ang taong nakaiwan ng sobre. Malaking halaga ang nawala niya. Iniwan ko ang numero ng telepono namin sa mga empleyado sa gasolinahan sakaling may maghanap sa sobre. Pero wala ni isa mang tumawag.
May nagmamay-ari ng perang ito. Pero sa kasamaang palad, naiwala niya ito. Katulad nito ang mga kayamanan natin sa lupa. Maaaring mawala, manakaw, o malustay ang mga ito. Maaaring mawala ang lahat ng yaman natin sa isang iglap. Pero ang mga kayamanan na mayroon tayo kay Jesus, tulad ng magandang relasyon sa Panginoon, at buhay na walang hanggan ay hindi kailanman mawawala at masisira.
Dahil dito, pinaalalahanan tayo ni Cristo na mag-ipon ng kayamanan sa langit (MATEO 6:20). Magagawa natin ito sa pamamagitan ng “maging mayaman sa mabubuting gawa” (1 TIMOTEO 6:18) o “maging mayaman sa pananampalataya” (SANTIAGO 2:5) para matulungan ang mga taong mas makilala si Jesus sa buhay nila. Tutulungan tayo ng Dios na makapagipon ng mga kayamanan sa langit habang hinihintay natin ang panahong muli natin Siyang makakapiling.