Ayon sa isang lumang kuwento, nabalitaan ng isang lalaking nagngangalang Nicolas ang kalagayan ng isang napakahirap na tatay. Hindi kayang bilhan ng pagkain ng mahirap na tatay ang mga anak niya lalo na ang sustentuhan ang mga pangangailangan nila sa hinaharap. Dahil nais tulungan ni Nicolas ang mahirap na tatay nang palihim, naghagis siya sa bintana ng isang bag na may lamang ginto. Lumapag ang bag sa nakasabit na medyas. Dahil sa kanyang kabutihan, kinilala siya bilang si San Nicolas, na naging inspirasyon para magkaroon ng Santa Claus.
Naalala ko ang Dios Ama nang marinig ko ang kuwentong iyon tungkol sa kaloob mula sa langit. Dahil sa pagmamahal ng Dios sa atin, ipinagkaloob Niya ang pinakamahalagang regalo sa lahat. Ibinigay Niya sa atin sa isang nakamamanghang paraan ang Kanyang napakagandang regalo – ang Kanyang kaisa-isang Anak na si Jesus.
Ayon sa Aklat ni Mateo, tinupad ni Jesus ang sinabi sa Lumang Tipan. Magbubuntis ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin siyang Emmanuel, na ibig sabihin ay “kasama natin ang Dios” (1:23).
Maganda ang regalo ni Nicolas sa mahirap na tatay. Pero higit na mas dakila ang regalo ni Jesus sa atin. Siya ay Dios na nagkatawang tao, namatay sa krus, at muling nabuhay. Siya rin ang Dios na lagi nating kasama. Pinalalakas Niya ang ating loob sa tuwing nalulungkot tayo at pinanghihinaan ng loob. Purihin natin ang Dios!