Ilang araw na lamang bago mag-Pasko pero parang nalimutan ng mga anak ng isang babae kung paano maging mapagpasalamat. Kaya naman, gumawa siya ng paraan para maalala ng mga ito na magpasalamat sa lahat. Sinabitan niya ng pulang laso ang mga switch ng ilaw, ang pantry, at ang ilang mga kasangkapan sa kanilang bahay. May kasamang sulat ang bawat laso: “May mga kaloob ang Dios na madalas nating nakakalimutan. Nilagyan ko ng laso ang bawat isa. Napakabuti ng Dios sa pamilya natin. Huwag nating kalimutan na mula sa Kanya ang lahat ng biyayang ito.”
Sa Biblia, binanggit sa Deuteronomio 6 ang matatamasa ng bansang Israel matapos nilang masakop ang isang bayan. Mapapasakanila ang maunlad na lungsod na hindi nila itinayo (TAL. 10), maninirahan sila sa mga bahay na puno ng magagandang bagay na hindi nila pinaghirapan, magkakaroon sila ng mga balon na hindi sila ang naghukay, at magiging kanila ang mga ubasan at puno ng olibo na hindi nila itinanim (TAL. 11).
Tanging sa Dios lamang nagmula ang lahat ng kaloob at biyayang ito (TAL. 10). Dahil sa napakaraming biyaya na tinatamasa ng mga Israelita, sinigurado ni Moises na hindi nila makakalimutan ang Panginoon sa kabutihan Niya sa kanila (TAL. 12).
May mga pagkakataon namang madalas nating nakakalimutan ang Panginoon. Lagi nawa nating maalala ang kabutihan Niya sa buhay natin. Siya ang nagkakaloob, at sa Kanya nagmumula ang lahat ng biyayang natatamasa natin.