Matagal-tagal ko ring tinitigan ang mga lumang lampara sa isang museo. Isang karatula ang nagsasabi na mula sa Israel ang mga ito. Ang bawat lampara ay may nakaukit na disenyo at mayroon ding dalawang butas, isa para sa langis at isa para sa mitsa. Ginagamit ng mga Israelita ang mga lampara sa bahay nila. Isinasabit nila ito sa isang bahagi ng kanilang bahay para magbigay ng liwanag. Pero dahil maliliit ang mga ito, magkakasya ang isang lampara sa palad ng tao.
Marahil ang mga maliliit na ilawang ito ang naging inspirasyon ni Haring David para maisulat ang awit, “Panginoon Kayo ang aking liwanag. Sa kadiliman Kayo ang aking ilaw” (2 SAMUEL 22:29 ). Inawit ito ni David matapos silang papanalunin ng Dios sa laban nila. Marami siyang mga kalaban na nais pumatay sa kanya. Gayon pa man, hindi natakot si David.
Naging matapang siya sa pagharap sa mga ito. Ang Dios ang lagi niyang gabay. Sa tulong ng Dios, nagiging malinaw sa kanya ang mga bagay-bagay at dahil doo’y, nakakagawa siya ng tamang desisyon para sa kanyang sarili, para sa kanyang hukbo, at para sa buong bansa.
Tumutukoy sa kahinaan, pagkatalo, at kamatayan ang kadilimang binabanggit ni David sa awit niya. At tulad ni David, marami rin tayong mga kahinaan. Sa tuwing darating ang mga suliranin sa ating buhay, maaasahan natin palagi ang gabay at kapayapaang mula sa Dios. Lagi natin Siyang kasama. Ang Banal na Espiritu ang magsisilbing gabay natin hanggang sa makapiling na natin si Jesus.