Ang iskultor na si Doug Merkey ang lumikha ng obrang Ruthless Trust. Hugis tao ito na yari sa tanso. Nakayakap ang tao sa isang krus na yari naman sa kahoy. Ayon kay Merkey, ipinapakita ng kanyang obra ang tunay na pagsuko at pagtitiwala kay Cristo at sa Magandang Balita ng kaligtasan.
Ganito rin namang uri ng pagtitiwala sa Dios ang ipinakita ng isang babaeng nabanggit sa Marcos 5:25-34. Labindalawang taon nang dinurugo ang babaeng iyon (TAL. 25). “Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa iba’t ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit” (TAL. 26).
Nang mabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, nakipagsiksikan siya sa mga tao para mahipo man lang ang damit ni Jesus. Nang magawa niya ito, biglang tumigil ang pagdurugo niya at gumaling siya (TAL. 27-29).
Dumating na ba ang pagkakataon sa buhay mo na nais mo nang sumuko? Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Nariyan lagi ang Dios. Naipakita ng babaeng may sakit at ng taong tanso na obra ni Merkey ang lubos na pagtitiwala sa Dios. Makikita rin ito sa awit na isinulat ni Charles Wesley: “Panginoon, itataas ko ang mga kamay ko sa harap Mo; Ikaw lang ang makakatulong sa akin, alam ko.” Humingi tayo ng tulong at gabay sa Dios para matutunan nating magtiwala sa Kanya.