Naging alipin ng takot ang isang lalaki sa loob ng tatlumpu’t dalawang taon. Natatakot kasi siyang mahuli dahil sa mga krimeng nagawa niya. Sa bahay ng kanyang kapatid siya nagtago. Hindi siya lumalabas at hindi rin dumadalaw sa ibang tao. Maging ang libing ng kanyang ina ay hindi niya napuntahan. Nang siya’y animnapu’t apat na taong gulang, nalaman niya na wala pa lang kasong isinampa laban sa kanya. Malaya na siyang makakabalik sa normal niyang buhay. Tunay na nakakatakot maparusahan, pero hinayaan ng lalaki na alipinin siya ng takot.

Tulad ng lalaki, lubos ding natakot ang mga Israelita nang hamunin sila ng mga Filisteo. Ang higanteng si Goliat ang nais kumalaban sa kanila (1 SAMUEL 17:4-5). Sa loob ng apatnapung araw, hinahamon sila ni Goliat tuwing umaga para kalabanin siya. Pero wala ni isa sa mga Israelita ang nagkaroon ng lakas ng loob. Nang marinig ni David ang hamon at pananakot ni Goliat, nagprisinta siyang labanan ang higanteng sundalo.

Naniniwala ang mga sundalong Israelita na mahirap matalo si Goliat. Pero malaki ang tiwala ni David sa Dios. Alam niyang tutulungan siya ng Dios na talunin ang kalaban. Sinabi niya, “sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay Niya kayong lahat sa amin (TAL. 47).

Sa tuwing makakaramdam tayo ng matinding takot at pag-aalala, tularan nawa natin si David na may buongpusong pagtitiwala sa Dios. Papawiin ng Dios ang mga takot natin. Makapangyarihan Siya. Higit Siya kaysa sa ating mga pangamba.