Maganda ang ginagawang paglilingkod nina Tom at Mark. Nagbahagi sila ng video kung saan sa unang pagkakataon ay nakapaglaro ang mga bata sa Haiti sa malinis na tubig. Sina Tom at Mark, kasama ang mga simbahan doon sa Haiti ay nagtulong-tulong para magtayo ng mapagkukunan ng malinis na tubig. Nagbibigay ng pag-asa para sa mga tagaroon ang pagkakaroon ng mapagkukunan ng malinis na tubig.
Tumutukoy sa walang hanggang pinagmumulan ng pamatid uhaw ang sinasabi naman ni Jesus na “tubig na nagbibigay-buhay” sa Juan 4. Humingi si Jesus sa isang babaeng Samaritana ng maiinom dahil sa pagod at uhaw (TAL. 4-8). Ang paghinging ito ni Jesus ang nagbukas sa magandang usapan sa pagitan nila tungkol sa “tubig na nagbibigay-buhay” (TAL. 9-15). Ito ang tubig na pagmumulan ng buhay at pag-asa para sa kanila, “isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan” (TAL. 14).
Nalaman nga natin kung ano ang tinutukoy na tubig na nagbibigay-buhay sa aklat ng Juan sa sinabi ni Jesus, “Ang sinumang nauuhaw ay lumapit sa Akin at uminom.” Sinabi rin ni Jesus na, “dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa puso ng sumasampalataya sa Akin.” Ayon pa sa aklat ng Juan, “ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay ang Banal na Espiritu” (7:37-39).
Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang mga mananampalataya ay may pakikiisa na kay Cristo. Nararanasan din natin ang kapangyarihan, pag-asa, at kasiyahang mula sa Dios. Ang Banal na Espiritu rin ang siyang nagbibigay lakas at gumagabay sa atin.