Inilarawan ni Caitlin ang matinding kalungkutang dinanas niya matapos siyang pagsamantalahan. Mas matindi ang pinagdaanan ng kalooban niya kumpara sa pisikal na sugat na iniwan ng pangyayaring iyon. Dahil sa naranasan, bumaba ang tingin niya sa kanyang sarili. Ayon kay Caitlin, hindi siya ang taong nais mong makilala at maging kaibigan. Para sa kanya, hindi siya dapat mahalin at bigyang halaga.
Nauunawaan ng Dios ang pinagdaanan ni Caitlin. Nang tanungin ng Dios kung ano ang halaga Niya sa Israel na lubos Niyang minamahal, sinabi Niya, “binayaran nila Ako ng tatlumpung pirasong pilak” (ZACARIAS 11:12). Katumbas ng halagang ito ang sahod ng isang alipin (EXODUS 21:32). Nalungkot ang Dios dahil hindi Siya pinahahalagahan ng Israel. Nainsulto Siya sa pagtutumbas lamang sa Kanya sa napakaliit na halaga. (ZACARIAS 11:13). At inutusan ng Dios si Zacarias na itapon ang mga pilak.
Nauunawaan din naman ni Jesus ang nadarama ni Caitlin. Ipinagkanulo at hinamak si Jesus ng kaibigan niya. Galit sa Kanya ang mga pinunong Judio kaya inalok nila si Judas ng tatlumpung piraso ng pilak. Napakababang halaga nito para ipagkanulo si Jesus (MATEO 26:14-15; 27:9). Walang Siyang halaga para kay Judas. Madali para kay Judas na ipagbili at ipagkanulo si Jesus.
Maaari din tayong hamakin at hindi pahalagahan ng iba. Pero tandaan natin na mahalaga at importante tayo sa Dios. Dahil mahalaga tayo sa Dios, ipinagkaloob Niya si Jesus para ialay ang buhay sa krus. Sa gayon, magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.