Sinabi ni C. S. Lewis sa aklat niyang Mere Christianity, na ang Dios ay hindi nasasakop ng panahon. Alam Niya ang lahat ng bagay. Limitado ang kakayahan natin para maunawaan ito. Pero habang natututo tayong magtiwala sa Kanya, nagiging malinaw rin sa atin na hawak Niya ang lahat, pati ang buhay natin.
Nalalaman naman ng sumulat ng Salmo 102 na lumilipas ang kanyang mga araw tulad lamang ng “anino at nalalanta tulad ng damo.” Pero nariyan ang Dios magpakailanman (MGA TAL. 11-12). Nakadarama siya ng pag-aalala pero alam niya na “naghahari ang Panginoon kailanman” (TAL. 12). Nagtitiwala siya na sakop ng kapangyarihan at awa ng Dios ang lahat ng panahon at pangyayari sa kanyang buhay (MGA TAL. 13-18).
Kahit pa nakararanas siya ng matinding kalungkutan (TAL. 19-24), patuloy niyang kinikilala ang kapangyarihan ng Dios bilang Tagapaglikha ng lahat ng bagay (TAL. 25). Mananatili ang Dios magpakailanman kahit maglaho at masira man ang lahat ng likha Niya (TAL. 26-27).
Minsan, para bang lumilipas lang ang oras na wala namang nangyayari sa buhay natin. Dahil doon, naiisip natin na hindi tumutugon ang Dios o huli kung sumagot siya sa ating panalangin. Maaari din tayong mainip at magalit sa paghihintay sa tugon Niya. Huwag nawa nating kalimutan na hawak ng Dios ang buhay natin. Nalalaman Niya ang bawat detalye nito. Hindi Niya tayo pababayaan. Sa bawat araw na lumalakad tayong kasama Niya, mas natututunan nating lalong ipagkatiwala ang buhay natin sa Kanya.