Bilang isang propesor, madalas na pinapakiusapan ako ng mga estudyante ko na gumawa ng liham ng rekomendasyon para sa kanila. Kailangan nila ito sa kanilang aplikasyon para sa pag-aaral sa ibang bansa, sa pagpasok ng trabaho, atbp. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ako ng pagkakataong purihin ang kanilang karakter at mga kakayahan.
Sa tuwing maglalakbay ang mga nagtitiwala kay Jesus noon, may dala rin silang liham ng rekomendasyon. Makakatulong ang liham na ito para matiyak nila na magiging maganda ang pagtanggap sa kanila.
Hindi na kinailangan pa ni Apostol Pablo ng liham ng rekomendasyon nang magtungo siya sa Corinto dahil kilala nila siya. Ipinahayag ni Pablo nang may buong katapatan ang ebanghelyo sa kanila sa ikalawang sulat niya (2 CORINTO 2:17). Hindi niya ito ginawa para sa pansariling interes. Naisip ni Pablo na baka akalain ng mga mambabasa niya na gumagawa siya ng liham ng rekomendasyon para ipagtatanggol ang sarili niya sa pangangaral ng Salita ng Dios.
Hindi na kailangan pa ni Pablo ng ganoong sulat. Ayon din sa kanya, sapat na bilang patunay ang buhay ng mga tagaCorinto. Nakikita sa mga buhay nila ang ginawa ni Cristo na tulad ng isang liham, “hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay” (3:3). Patunay ang buhay nila sa ebanghelyong ibinahagi ni Pablo, liham ng rekomendasyon ang buhay nila na “nakikita at nababasa ng lahat” (3:2). Sa pagsunod rin natin kay Jesus, magiging isang patunay ang buhay natin sa kabutihan ng Dios.