“Imposible ang pagkabigo!” Iyan ang mga binitiwang salita ni Susan B. Anthony. Kilala si Susan sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan sa Amerika. Lagi man siyang nakakatanggap ng kritisismo at minsang inaresto dahil sa pagboto, hindi siya sumukong ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan na bumoto.
Nanindigan siya na iyon ang nararapat. Kahit hindi na niya nasaksihan ang bunga ng ipinaglalaban niya, napatunayang ito ang tama. Noong 1920, binago ang kanilang batas at binigyan na ng karapatan ang mga babae na bumoto.
Hindi rin hinayaan ni Nehemias na mabigo. Alam niyang nariyan ang makapangyarihang Dios upang tulungan Siya. Inatasan noon si Nehemias na muling buuin ang pader ng Jerusalem. Makatutulong ang pader na ito para maprotektahan sila sa kanilang mga kalaban. Bagamat may ilang sumasalungat at hindi pabor sa muling pagbuo nito, hindi hinayaan ni Nehemias na manaig ang mga ito. Sinabi niya sa kanila, “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon” (NEHEMIAS 6:3). Nanalangin din siya sa Dios upang palakasin pa siya (TAL. 9). Sa tulong ng Dios at sa kanilang pagsisikap, muling naitayo ang pader (TAL. 15).
Pinagkalooban naman ng Dios si Nehemias ng kalakasan sa kabila ng pagsalungat ng iba. Mayroon bang mga pagkakataon na nais na nating sumuko? Manalangin tayo sa Dios para pagkalooban tayo ng kalakasan at ng mga kailangan natin para sa anumang dapat nating tapusin. Gagabayan Niya tayo para hindi sumuko at magpatuloy.