Ilang tao sa simbahan namin ang nakiusap kung maari ba akong tumayo bilang ama at magbigay payo sa kanila. Meron silang hindi magandang relasyon sa mga ama nila. Pinakinggan ko ang mga saloobin nila. Ilan dito ang masyadong mataas na ekspektasyon ng mga magulang nila, at hindi pagpapakita ng pagmamalasakit sa panahong kailangan nila ito.
Meron din namang nagsabi ng pagkagalak, paghanga, at pagmamahal sa mga ama nila. Napaluha ako nang marinig ang mga kwento nila. Napagtanto ko na nararapat ko ring marinig ang mga salitang iyon. Dapat ko ring sabihin sa mga anak ko ang mga saloobin ko sa kanila.
Paulit-ulit na sinasabi sa Biblia na ang Dios ang Ama natin. Naiiba Siya sa mga ama natin dito sa lupa. Ipinakita ng Amang Dios ang dakilang pag-ibig Niya sa atin kaya tayo’y naging “anak Niya” (1 JUAN 3:1). Sabi ni Juan, “Anak tayo ng Dios” kahit “hindi pa naihahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap” (TAL. 2). Marami tayong suliranin sa buhay natin. Gayon pa man, makakaasa tayo sa pagkalinga at walang humpay na pagtulong ng Dios na Ama natin. Ayon din sa talata, tayo ay magiging katulad Niya (TAL. 2).
Sa kabila ng mga kabalisahan, problema, at pagkabigo natin, nariyan lagi ang pag-ibig at pagkalinga ng ating mabuting Dios Ama sa langit. Malaya tayong makakatawag sa Kanya bilang mga anak Niya.