Binigyan ako ng kwintas na perlas ng lola ko bilang regalo sa Pasko. Napakaganda ng kwintas. Pero isang araw, bigla itong napigtas. Nahulog ang bawat piraso ng perlas sa sahig. Gumapang ako para makita at makuha ang bawat isa. Napakaliit ng bawat isang perlas. Nang makuha ko na ang lahat ng piraso, muli itong nabuo. Kapag magkakasama na ang bawat piraso ng maliliit na perlas, nagiging isa itong magandang kwintas!
Katulad ng bawat piraso ng perlas, ang pagsunod ko sa Dios ay tila ba walang kabuluhan. Maihahalintulad ko rin ang sarili ko kay Maria, ang masunuring nanay ni Jesus. Tumugon agad siya sa pagtawag ng Dios na maging ina ng Mesiyas. Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon.” “Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi Ninyo” (LUCAS 1:38). Nauunawaan kaya ni Maria kung gaano kabigat ang iniatas sa kanya? Na kasama sa pagtugon niya sa pagkakatawag sa kanya ang pagsusuko ng kanyang Anak para maipako sa krus?
Matapos silang dalawin ng mga anghel at pastol, sinabi sa Lucas 2:19 na “Iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang mga ito.” Buong pusong tinanggap ni Maria ang pagtawag sa kanya. Muli pang inulit ni Maria sa Lucas 2:51 ang sinabi niyang iyon. Habambuhay na sumunod si Maria sa Dios.
Katulad ni Maria, tinatawag rin naman tayo ng Dios na sumunod sa Kanya sa bawat aspeto ng buhay natin. Matututo nawa tayong ipagkatiwala sa Dios ang ating buhay sa bawat pagtugon natin sa pagtawag Niya.