Isang matandang lalaking bilanggo ang malapit nang mamatay ang nasa ospital. Hinihintay niya ang programang pagsalubong sa Pasko. Pangungunahan ito ng mga bilanggong kasama niya. “Kailan magsisimula ang pagaawitan?” Tinanong niya si William McDougall, isa sa mga kasama nila. “Malapit na,” ang sagot nito. “Mabuti. Maikukumpara ko na ang awitan nila sa pag-awit ng mga anghel sa langit.”
Tumalikod noon sa Dios ang matandang lalaking iyon. Pero nagbalik-loob siya sa Panginoon nitong matanda na siya at nagkasakit. Humingi siya ng tawad sa Dios at naranasan ang kapayapaang kaloob Niya. Ayon kay McDougall, malaking pagbabago ang naganap sa buhay ng matandang lalaki.
Namatay nang mapayapa ang matandang lalaki matapos niyang mapakinggan ang pag-awit ng “Silent Night” ng mga kasamahan niya. Sinabi ni McDougall, “Maituturing na isang magandang bisita ang kamatayan sa matandang lalaki ng Paskong iyon.”
Naalala ko ang kuwento ni Simeon sa Biblia dahil dito. Isa siyang tagasunod ng Dios. Ipinahayag kay Simeon ng Banal na Espiritu na, “hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Haring ipinangako ng Dios” (LUCAS 2:26). Nang makita niya si Jesus sa templo, sinabi niya, “Panginoon, maaari N’yo na akong kunin na Inyong lingkod. Mamamatay na ako nang mapayapa, dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas” (MGA TAL. 29-30).
Katulad ng matandang lalaki, ang pinakamagandang kaloob na maaari nating matanggap ay ang ating pananampalataya kay Jesus.