Ang paglikha ng “tunog na tila naglalakad” sa mga drama sa radyo ang unang trabaho ni Paul Arnold. Habang binabasa ng aktor ang mga linya sa isang eksenang naglalakad, sinasabayan ito ni Paul ng tunog ng kanyang paglakad. Sinisigurado niyang sabay ito sa bawat pagbigkas ng aktor ng linya. Ang pagsabay sa aktor sa istorya ang pinakamahirap para kay Paul. Sabi niya, “Dapat makipagtulungan o makiisa ako sa aktor para magkatugma kaming dalawa.”
Binibigyang diin naman sa Salmo 119 na kailangang isapamuhay ang Salita ng Dios bilang pakikiisa natin sa Panginoon. Sinasabi rito na nararapat matutunan at ipamuhay ang Kanyang Salita, “Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon” (SALMO 119:1). Sa pagsunod natin sa Kanyang Salita, mananatiling dalisay ang ating puso (TAL. 9), patuloy tayong susunod (TAL. 22), at hindi magi-ging sakim (TAL. 36). Gagabayan Niya rin tayo para makaiwas sa pagkakasala (TAL. 61), magkaroon ng mabubuting kaibigan (TAL. 63), at mamumuhay nang may kagalakan (TAL. 111).
Ganito ang ipinaparating ng talata 133 ayon kay Charles Bridges, isang mag-aaral ng Biblia: “Makikita kaya si Cristo sa mga bagay na gagawin ko? Naaayon kaya sa salita Niya ang pamumuhay ko?”
Lagi tayong humingi ng gabay at tulong mula sa Dios para makapamuhay tayo na naaayon sa nais Niya. Ang Salita Niya ang magiging gabay natin. Makita nawa sa mga buhay natin ang kabutihan ni Jesus na ating Panginoon at Tagapagligtas!