Isang bukal ang nasa bandang silangan ng bayan ng Jerusalem. Ito ang tanging pinagkukunan ng tubig ng mga Israelita noon. Nasa labas ito ng lungsod kaya maituturing ito na kahinaan nila dahil maaari silang hulihin doon ng kanilang kaaway nang walang kalaban-laban. Hindi naman madaling makukubkob ang lungsod dahil sa pader na nakapalibot dito. Pero kung babagtasin ng mga kalaban ang bukal, madali silang makakapasok sa lungsod.
Hindi hinayaan ni Haring Hezekia na matalo sila dahil sa kahinaang ito. Kinausap niya ang mga opisyal ng lungsod. Nagkaisa silang patigilin ang daloy ng bukal (2 HARI 20:20, 2 CRONICA 32:2-4). Pero sa kabila nito, hindi naisip ni Hezekia na “ang Dios na Siyang nagplano nito noong una pa at niloob Niya na mangyari ito” (ISAIAS 22:11).
Ang Dios mismo ang nagplano sa disenyo ng lungsod ng Jerusalem. Hinayaan Niyang nasa labas ng siyudad ang bukal. Isa itong paalala sa mga tao na magtiwala na tanging Dios lamang ang magkakaloob ng mga pangangailangan at kaligtasan nila.
Hindi kaya ipinagkaloob rin ang mga kahinaan natin para sa ikabubuti natin? Sinabi ni Apostol Pablo na “ipinagmamalaki” niya ang mga kahinaan niya. Dahil sa mga kahinaang ito, mas naipapamalas sa buhay niya ang kalakasan at kabutihan ng Panginoon (2 CORINTO 12:9-10). Maituturing din kaya nating kalakasang mula sa Dios ang mga kahinaan natin?