Sinabi noon ng tanyag na manunulat na si Rod Serling sa isang panayam, “Gusto kong maalala ako ng mga tao bilang isang manunulat, isang daang taon mula ngayon.” Nais ni Rod na magbigyang kahulugan ang kanyang buhay at maaalala ito ng mga tao sa mahabang panahon.
Nagpapakita naman ng pagsusumikap na makita ang kahulugan ng buhay ang kuwento ng buhay ni Job. Sa isang iglap, nawala ang kayamanan ni Job at namatay ang kanyang mga anak. Inakusahan din siya ng kanyang mga kaibigan na isang makasalanan kung kaya nararapat lang na mangyari iyon sa kanya. Kaya naman, sinabi ni Job sa kanyang mga kaibigan, “Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, o di kaya’y iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman” (JOB 19:23-24).
Masasabi naman nating parang naiukit na ito sa bato. Nakasulat kasi ito sa Biblia, magpakailanman. Gayon pa man, nais ni Job na makita ang kabuluhan ng kanyang buhay kaysa sa maiiwan niyang alaala. Nakita naman ni Job ang kabuluhan ng kanyang buhay sa katangian ng Dios. Sinabi ni Job, “Alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at…darating Siya rito sa lupa para ipagtanggol ako” (TAL. 25). Ang pagkaalam na ito ni Job ay nagdulot sa kanya ng pananabik na makita ang Dios. Sinabi pa ni Job, “Makikita ko Siya nang harapan…Labis na akong nananabik na makita Siya” (TAL. 27).
Sa huli, hindi man nakita ni Job ang mismo niyang inaasahan, nakita at nalaman naman ni Job ang pinagmumulan ng kahulugan ng kanyang buhay – walang iba kundi sa Dios (42:1-6).