Sa loob ng pitong buwan, mayroong hindi nagpapakilalang sumasampalataya kay Jesus ang nagpapadala ng mga magagandang bulaklak kay Kim. Mayroon kasi siyang malalang sakit. Pero, ang higit na mapapansin ay ang talata mula sa Biblia at ang nakalagda dito: “Nagmamahal, Jesus.”
Ibinahagi naman ni Kim ang pangyayaring ito sa Facebook. Ipina-alam niya na kanyang naranasan ang pagmamahal ng Dios sa pamamagitan ng mga mananampalataya. Habang ipinagkakatiwala ni Kim sa Dios ang kanyang paglaban sa malalang sakit, ang bawat bulaklak at Salita ng Dios ang nagpapatunay ng lubos na pagmamalasakit ng Dios.
Nailalarawan naman ang lihim na pagbibigay ng mga bulaklak sa kung ano ang nais ni Jesus na gawin natin tungkol pagbibigay. Binalaan tayo ni Jesus na mag-ingat baka ang paggawa natin ng kabutihan ay pakitang-tao lamang (MATEO 6:1). Ang paggawa natin ng kabutihan sa iba ay kapahayagan ng ating lubos na pagpapasalamat at pagsamba sa Dios. Kaya naman, kung inaasahan nating mapapurihan ng iba sa ating pagbibigay at pagtulong, nailalayo natin sila sa kung sino ang tunay na nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan – si Jesus.
Nalalaman ng Dios kung tama ang motibo sa ating pagbibigay o pagtulong sa iba (TAL. 4). Nais ng Dios na ang ating pagmamahal sa Kanya ang nag-uudyok sa atin upang magbigay at tumulong sa iba. Ihandog din natin sa Dios ang kaluwalhatian, kapurihan at kadakilaan habang ginagawa natin iyon.