Ayon sa isang alamat, ang ilang sinaunang mapa raw ng mundo ay may nakasulat na salitang “may dragon dito.” Makikita pa ng aang larawan ng mabangis na dragon. Pananda raw ito na mapanganib ang lugar na iyon.
Gayon pa man, walang ebidensya na may dragon nga roon o kung may nakasulat nga sa ilang mapa na ginagamit noon. Pero, gusto kung isiping inilagay talaga nila ito. Maganda kasi iyong babala upang hindi ka na tumuloy sa isang mapanganib na lugar.
Kaya naman, parang may kaunting problema sa pananaw ko tungkol sa aking pag-iwas sa panganib. Ito ay ang pagiging duwag ko. At alam kong salungat ito sa nais ng Panginoong Jesus bilang sumasampalataya sa Kanya (2 TIMOTEO 1:7).
Maaaring may magsabi na mayroon lamang akong maling pagkakaunawa sa kung ano talaga ang panganib na nakaambang sa atin. Ayon kasi kay Apostol Pablo, ang ating pagsunod sa Panginoong Jesus at pagpapahayag ng Magandang Balita ay may kaakibat na panganib at paghihirap (TAL. 8). Pero, bakit tayo matatakot na harapin ang panganib at paghihirap kung iniligtas na tayo ni Jesus at kalakip nito ang buhay na walang hanggan na Kanyang ipinangako sa atin (TAL. 9-10,14)?
Kung nakakaranas tayo ng paghihirap o pagsubok sa buhay, huwag nawa tayong matakot na harapin ito (TAL. 6-8,12). Mas malaki kasing problema kung iiwasan natin ito. Lagi nawa nating maalala na maipagkakatiwala natin sa Dios ang ating buhay at kinabukasan (TAL. 12).