Seryosong nakikinig ang 5 taong gulang na si Eldon sa pagtuturo ng isang pastor tungkol sa pagparito ni Jesus sa mundo. Pero nagulat si Eldon nang marinig ang panalangin ng pastor na nagpapasalamat ito sa kamatayan ni Jesus para sa ating mga kasalanan. Sinabi pa ni Eldon “Naku, Bakit Siya namatay?”
Sa simula pa lang buhay ng Panginoong Jesus dito sa mundo, may mga taong nagnanais na patayin Siya. Tulad na lamang ni Haring Herodes nang magtanong sa kanya ang mga pantas. “Saan ba ipinanganak ang Hari ng mga Judio? Nakita namin ang Kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin Siya” (MATEO 2:2). Nang marinig ito ni Herodes, natakot siya. Iniisip niya na aagawin ni Jesus ang kanyang trono. Kaya naman, ipinapatay ni Herodes ang lahat ng batang lalaki na dalawang taon pababa sa buong lugar ng Betlehem. Pero iningatan ng Dios ang sanggol na si Jesus na Kanyang Anak. Ipinadala ng Dios ang Kanyang anghel upang balaan sina Jose at maria na umalis sa lugar na iyon. Kaya naman, tumakas sila at nakaligtas (TAL. 13-18).
Nang matapos naman ang pangangaral at paglilingkod ni Jesus sa mga tao, ipinako Siya sa krus para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Inilagay din sa ibabaw ng krus ang isang karatula na may pangungutya, “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio” (27:37). Pero, nang ikatlong araw nabuhay Siyang muli. Umakyat Siya sa langit at naluklok bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon (FILIPOS 2:8-11).
Namatay ang Haring Hinirang na si Jesus para sa ating mga kasalanan. Kaya naman, hayaan nating si Jesus ang maghari sa ating buhay.