Nagtatrabaho si Jeff sa isang malaking kumpanya ng langis. Kaya naman, bilang isang salesman marami siyang napupuntahang iba’t ibang lugar. Marami rin siyang nakakausap na mga dumaranas ng kabiguan sa buhay. Kaya naman, bilang isang bagong mananampalataya kay Jesus, napagtanto ni Jeff na hindi langis ang higit nilang kailangan. Sa halip, karamay at habag na nagmumula sa Dios. Nag-udyok din ito kay Jeff upang pumasok sa seminaryo at maging pastor na umaakay sa mga tao palapit kay Jesus.
Ang Panginoong Jesus naman ang dahilan kung bakit nagagawa ni Jeff na mahabag sa iba. Mababasa natin sa Mateo 9:27-33, kung paano ipinadama ni Jesus ang Kanyang kahabagan nang pagalingin Niya ang dalawang bulag at ang isang taong sinasaniban ng masamang espiritu. Sa buong panahon ng paglilingkod ng Panginoong Jesus dito sa lupa, ipinapahayag Niya ang Magandang Balita at pinapagaling “ang lahat ng mga bayan at nayon” (TAL. 35 mbb). Bakit? “Nang makita [kasi ni Jesus] ang napakaraming tao, nahabag Siya sa kanila sapagkat sila’y nanlulupaypay at litung-lito, parang mga tupang walang pastol (TAL. 36 mbb).
Marami namang tao sa mundong ito ang nasasaktan na higit na nangangailangan ng tulong at pagkalinga ng ating Tagapagligtas. Kailangan natin si Jesus na ating pastol upang manguna sa atin, kumalinga at mangalaga sa Kanyang tupa (11:28).
Kaya naman, kung nakaranas tayo ng habag ng Dios, magagawa rin nating maipadama sa iba ang Kanyang kahabagan.