Pinamagatang “Sinabawang Bato” ang kuwento tungkol sa isang nagugutom na matandang lalaki na dumating sa isang baryo para humingi ng makakain. Ngunit wala man lamang ni isa ang nagbigay sa kanya. Kaya naman, kumuha ang matanda ng isang kaldero. Nilagyan niya ito ng tubig at bato at pinakuluan. Sa ginawang ito ng matanda, nagtaka ang mga tao.
Kaya naman, pinanood nila ang matanda sa paghalo. Pagkaraan ng ilang sandali, may nagbigay sa matanda ng patatas upang ihalo sa kanyang niluluto. Mayroon ding nagbigay ng carrots, sibuyas at sebada. Maging gatas may nagbigay din. Kaya naman naging chowder na ang sinabawang bato.
Sa kuwentong ito makikita natin ang kahalagahan ng pagbibigay sa kapwa ng anumang mayroon tayo. Tulad na lamang ng ginawa ng isang bata sa Juan 6:1-14. Nagdala siya ng pagkain—limang tinapay at dalawang isda na ayon sa kaya niya. Kakarampot ito at hindi sasapat sa bilang ng mga taong naroroon. Ngunit ng ibinigay ng mga alagad ang mga pagkain na ito sa Panginoong Jesus, pinarami Niya ito at pinakain ang ilang libong tao.
Sinabi sa narinig kong kasabihan, “Hindi mo kailangang magpakain ng limang libo. Magdala ka lamang ng tinapay at isda.” Ibig sabihin, sa maliit mong ibinigay kaya itong paramihin ng Panginoong Jesus nang higit sa ating inaasahan (TAL. 11). Ganito rin naman ang gagawin ng Panginoong Jesus kung isusuko natin sa Kanya ang ating mga pagsisikap, talento at paglilingkod. Nais ni Jesus na na kusa nating dalhin sa Kanya ang anumang mayroon tayo.