Noong 1956, pinatay ng tribong Huaorani sina Jim Elliot at ang apat pang misyonaryo na kasama niya. Pero marami ang nagulat sa susunod na nangyari. Nanirahan kasi ang asawa ni Jim na si Elisabeth at ang pamilya ng mga misyonaryong namatay sa komunidad ng Huaorani. Pinag-aralan rin nina Elisabeth ang salita ng tribo upang maisalin ang Biblia para sa mga tagarito. Ginawa ito nila Elisabeth at iba pang sumasampalataya kay Jesus na kasama niya kahit alam nilang ang mga Huaorani ang pumatay sa mga mahal nila sa buhay.
Ang pagpapatawad at pagpapakita ng kabutihan nila Elisabeth ang nagpamulat sa tribong Huaorani na mapagmahal ang Dios. Kaya naman, marami sa tribo ang nagtiwala kay Jesus bilang kanilang Dios at Tagapagligtas.
Magandang halimbawa naman na dapat tularan ang ginawa nina Elisabeth at ng kanyang mga kasama. Sa halip na gumanti sa mga taong gumawa sa kanila ng masama, pinakitaan nila ito kabutihan (ROMA 12:17). Hinihikayat din naman ni Apostol Pablo ang mga sumasampalataya kay Jesus na nasa Roma na baguhin ang likas na ginagawa ng tao na kapag ginawan ng masama ay gaganti. Sa halip, pakitaan ito ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagtugon sa pangangailangan ng kanilang kaaway, tulad ng pagbibigay ng makakain o maiinom.
Bakit naman natin kailangang gawin iyon? Sinabi ni Pablo, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siya’y nauuhaw, painumin mo” (ROMA 12:20; KAWIKAAN 25:21-22). Ipinapahayag ni Pablo na kapag pinakitaan ng mga mananampalataya ng kabutihan at pagmamahal ang kanilang mga kaaway ay maaaring magsisisi ito sa nagawa nilang kasalanan.