Minsan, nagpasya ang isang grupo ng kabataan na kasali sa soccer na pasukin ang isang kuweba. Makalipas ang isang oras sa loob ng kuweba, nagpasya silang lumabas. Kaya lang, binaha na ang bukana ng kuweba at hindi na sila makalabas. Lalo pang tumaas ang tubig kaya nagpasya sila na maglakad papunta sa dulong bahagi ng kuweba. Makalipas ang dalawang linggo, nailigtas sila. Pero marami ang nagtataka kung bakit nangyari iyon sa kanila. Ang sagot, nagpasya kasi silang pumunta doon.
Nagpasya din naman noon si Haring David na ipapatay si Urias na kanyang matapat na sundalo. Kaya naman, pinagsabihan si David ni Propeta Natan sa kanyang ginawa. Pero paano magagawang pumatay ng taong sumusunod sa kagustuhan ng Dios? (1 SAMUEL 13:14). Ang sagot, nagpasya kasi si David na gawin iyon. Hindi naman agad nangyari ang pagpapasya ni David na ipapatay si Urias sa loob lamang ng maghapon.
Nagsimula ito sa isang pagsulyap na naging isang pagnanasa. Inabuso rin ni David ang kanyang kapangyarihan bilang hari upang maangkin si Batsheba. Para mapagtakpan ang pagbubuntis ni Batsheba, pinauwi ni David mula sa labanan si Urias upang sumiping sa asawa niyang si Batsheba. Pero, hindi pumayag si Urias na gawin iyon dahil inaalala niya ang kanyang mga kasamahan na nasa labanan. Sa pangyayaring iyon, nagpasya na si David na ipapatay si Urias.
Hindi man tayo pumatay o nakulong sa isang kuweba sa sariling pagpapasya, pero maaaring nagpapasya na tayo ngayon na pumunta palapit kay Jesus o sa kapahamakan. Isaisip natin na hindi nangyayari ang malalaking problema sa loob lamang ng isang gabi. Nangyayari ito dahil sa marami nating maling pagpapasya.