Kapag nais ng aso kong si Max na kunin ang atensyon ko, may kinukuha siyang bagay mula sa akin. Minsan, kinuha ni Max ang pitaka ko at sabay tumakbo. Pero nakita niya na hindi ko pa rin siya pinapansin, kaya lumapit siya sa akin. Nasa bibig pa rin niya ang pitaka at patuloy sa pagkawag ang kanyang mga buntot na nagpapahiwatig na makipaglaro ako sa kanya.
Nagpapasaya sa akin ang mga kapilyuhang iyon ni Max. Pero naipapaalala rin nito sa akin na may limitasyon ang paglalaan ko ng oras sa iba. Madalas nakakapaglaan ako ng oras sa aking mga kapamilya at mga kaibigan. Pero pagdating sa iba, hindi ko na ito magawa dahil sa dami ng aking ginagawa. Hindi ko namamalayan na ubos na pala ang oras ko para maipakita ang pagmamahal ko sa kanila.
Kaya naman, nakakamangha na kayang-kaya na paglaanan ng oras ng Dios ang lahat ng Kanyang nilalang. Maging ang pagpapanatili na mayroon tayong hangin na mahihinga upang mabuhay. May ipinangako rin ang Dios sa bansang Israel, “Aalagaan Ko kayo hanggang sa tumanda …Nilikha Ko kayo kaya kayo’y aalagaan Ko. Tutulungan Ko kayo at ililigtas” (ISAIAS 46:4). Hindi man sa atin ipinangako iyon, malalaman naman natin na maalaga at naglalaan ng oras ang Dios para sa mga nagtitiwala sa Kanya.
Nalalaman ng Dios ang bawat detalye ng mga pinagdaraanan nating pagsubok. Lagi Siyang handang tumugon sa ating mga dalangin at tulungan tayo sa ating mga pinoproblema. Hindi natin kailangang magpapansin pa para paglaanan tayo ng oras at pagmamahal ng Dios. Laging may panahon ang Dios para sa atin.