May isang tao na hindi naniniwala na may Dios ang nagsasabi na isang imoralidad daw ang pag-iimpluwensya ng magulang sa kanyang anak ng pananampalataya nito. Hindi ako sang-ayon sa pananaw na iyon. Gayon pa man, may ilang mga magulang na nag-aalangan na gabayan ang kanilang mga anak na magtiwala sa Dios. Madalas mas gusto pa natin silang gabayan pagdating sa pananaw natin sa pulitika o sports kaysa sa gabayan sila palapit sa Dios.
Ipinaalala naman ni Apostol Pablo ang kahalahagan ng paggabay sa mga kabataan upang magtiwala ang mga ito sa Dios. Ipinaalala rin ni Pablo kay Timoteo kung paano ito ginabayan ng kanyang magulang palapit sa Dios, “Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (2 TIMOTEO 3:15).
Hindi naman tumibay ang pananampalataya ni Timoteo nang sa sariling kakayahan lang. Sa halip, hinubog at ginabayan siya ng kanyang ina. At nagpatuloy si Timoteo sa kanyang mga natutunan at pinaninidigan (T. 14). Kung ang Dios ay buhay, nararapat lang na hubugin at gabayan natin ang ating pamilya palapit sa Dios na nagbibigay-buhay.
Marami namang paniniwala sa panahon natin ngayon ang makakaimpluwensya sa ating mga anak o sa kabataan. Nariyan ang telebisyon, musika, guro sa paaralan, kaibigan at ang social media. Kung hindi natin gagabayan ang mga kabataan at mananahimik na lang, mailalayo sila ng mga ito sa Dios. Kaya naman, bilang mga nakaranas ng kagandahang-loob ng Dios, gabayan natin ang mga kabataan palapit sa Dios.