Sa bansang Zimbabwe, marami tayong mga taong makikita na namumuhay sa kawalan ng pag-asa dulot ng giyera at kahirapan. Pero may natagpuan silang pag-asa mula sa ‘Upuan ng Magkaibigan’. Maaaring pumunta roon ang mga taong nawawalan ng pag-asa at may sinanay doon na isang matandang babae na makiking sa kanila.
Ang ‘Upuan ng Magkaibigan’ ay isang proyekto na makikita rin sa iba pang mga lugar tulad ng London, at New York. Sinabi nang isang tagapayo sa New York, “Hindi mo mamamalayan na nasa isang upuan ka. Sa halip, parang nasa isang lugar ka kung saan ang lahat ay nagmamalasakit sa iyo.”
Nais ding ipahayag ng proyektong iyon na mapukaw ang pagnanais nating makipag-usap sa Dios Ama na siyang tunay na nagmamalasakit sa atin. Nakipag-usap din naman noon si Moises sa Dios. Hindi nga lang sa isang upuan kundi sa loob ng isang tolda. Doon “nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises, magkaharap sila, katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan” (EXODUS 33:11). Gayon din naman si Josue na lingkod ni Moises ay nananatili sa tolda upang maglaan pa ng maraming oras sa Dios (T. 11).
Hindi naman kailangan ngayon ang tolda upang makausap ang Dios. Inilapit na kasi ni Jesus ang lahat ng mga nagtitiwala sa Kanya sa Dios Ama. Tulad ng sinabi ni Jesus sa Kanyang mga apostol, “Itinuturing Ko na kayong mga kaibigan, dahil sinasabi Ko sa inyo ang lahat ng narinig Ko sa Aking Ama” (JUAN 15:15). Kaibigan natin ang Dios na laging handang magmalasakit at tulungan tayo. Kausapin mo Siya ngayon.