Mahilig akong mangolekta ng mga lumang palayok. Ang isa sa paborito kong palayok na nahukay sa isang lugar ay kapanahunan pa ni Abraham na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia. Hindi naman kaaya-aya ang hitsura nito. Puno ito ng mantsa, basag at may tapyas. Paborito ko ito dahil ipinapaalala nito sa akin na isa rin akong nilikha mula sa lupa. Gayon pa man, bilang isang sumasampalataya kay Jesus, “Nasa amin ang kayamanang ito [si Jesus], ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito” (2 CORINTO 4:17).
Ipinahayag pa ni Apostol Pablo na, “Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsa’y sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay” (T. 8-9). Ginigipit, naguguluhan, inuusig at sinasaktan. Ito ang kailangang pagdaanan ng isang mananampalataya na tulad ng isang sisidlang palayok. Pero kung magtitiwala tayo kay Jesus, hindi tayo malulupig, hindi tayo mawawalan ng pag-asa at hindi tayo pababayaan ng Dios
“Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan tulad ng nangyari kay Jesus” (T. 10). Ito naman ang katangian ng isang sisidlan na laging handang maglingkod para sa Panginoong Jesus.
Hinihikayat din naman ang mga mananampalataya na isapamuhay ang mga katangian na mayroon si Jesus. Sa gayon, “sa pamamagitan ng aming buhay ay makita rin ang buhay ni Jesus” (T. 10).