Noong 1918, sa pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, inipon ng photographer na si Eric Enstrom ang kanyang mga nakunang larawan para maipakita ito sa iba. Nais niyang isama sa mga larawan ang isang tagpo na nagpapakita ng isang buhay na ganap at kuntento. Sa larawang iyon, makikita ang isang matandang lalaki na may mahabang balbas. Makikita rin na nananalangin ang matandang iyon habang nasa harap niya ang isang libro, mangkok ng lugaw, isang tinapay, at kutsilyo.
May ibang nagsasabi na ang larawang iyon ay nagpapakita ng kasalatan sa buhay. Pero para kay Enstrom, nais iparating ng larawang iyon ang isang buhay na ganap. Isang buhay na may lubos na pagpapasalamat sa Dios na sa kabila ng paghihirap ay hindi sila nagkulang sa kanilang pangangailangan. Ganito rin naman ang Magandang Balita na ipinapahayag ni Jesus sa atin.
Pumarito Siya sa lupa “upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap” (JUAN 10:10). Magkakaroon naman tayo nang maling pag-unawa dito kung itutulad natin ang ganap na buhay sa mga materyal na bagay dito sa mundo. Hindi kasi pagkakaroon ng labis na kayamanan o napakaraming ari-arian ang tinutukoy ni Jesus sa pagkakaroon ng ganap na buhay.
Sa halip, ang isang buhay na kung saan ang ating puso, isip, at kaluluwa ay lubos na nagpapasalamat sa Mabuting Pastol na nag-alay ng Kanyang buhay para sa atin. Ang buhay na ganap ay pagkakaroon nang maayos na relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus.