Noong bata pa ako, may kantang isinulat si Dottie Rambo na pinamagatang, “Pinatawad Niya ang kasalanan ko at nakita Niya ang aking pangangailangan.” Pero akala ko ang pamagat nito ay “Pinatawad Niya ang kasalanan ko at nakita Niya ang aking tuhod.” Dahil sa bata pa ako noon, inisip ko tuloy kung bakit kaya bibigyang-pansin pa ng Dios ang tuhod natin. Dahil ba sa mahina ang tuhod? Alam ko ang nais iparating ng nanlulupaypay o nanghihinang tuhod, ibig sabihin natatakot. Pero nalaman ko na isinulat pala ni Dottie ang kantang iyon para sa kanyang kapatid na si Eddie. Ipinaparating sa kanta na minahal pa rin ng Dios si Eddie sa kabila ng marami niyang nagawang kasalanan.
Makikita rin naman ang pagmamahal ng Dios sa mga Israelita sa kabila ng kanilang napakaraming kahinaan. Ipinakita iyon ng Dios sa pamamagitan ng pagsugo kay Propeta Isaias para palakasin ang loob nila. Sa Isaias 35, ipinahayag ni Propeta Isaias ang gagawing pagliligtas ng Dios. Sinabi ni Isaias, “Papalakasin [ng Dios] ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay” (T. 3).
Nakapagbigay naman ng pag-asa at lakas ng loob ang ipinahayag na iyon ni Isaias sa mga Israelita. Kaya naman, hinihikayat din Isaias na palakasin ang loob ng iba. Sinabi ni Isaias, “Ito ang sabihin mo sa pinanghihinaan ng loob: “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!” (T. 4).
Nanghihina ba ang mga tuhod mo? Dumalangin sa ating Dios Ama. Sasamahan at palalakasin Niya ang ating loob. Nang sa gayon, magagawa rin nating mapalakas ang loob ng iba.