Iniaalay ni David Brown sa Dios ang kanyang pagkapanalo at parangal na pinakamabilis tumakbo na bulag sa buong mundo. Pinapasalamatan din niya ang gabay niya sa pagtakbo na si Jerome Avery.
Sinabi ni Brown na ang sekreto sa kanyang pagkapanalo ay ang pakikinig sa bawat paggabay ni Avery sa kanya. Nakikinig at nagsasanay si Brown kasama si Avery upang malampasan ang bawat kurbada sa kanilang pagtakbo. Hindi lang mga salita mula kay Avery ang naging gabay ni Brown maging ang pag-akay nito sa kanya ng katawan patungo sa tamang daan.
Mayroon din naman tayong gabay sa pagtahak ng buhay dito sa mundo – ito ang Banal na Espiritu. Sa sandaling magtitiwala ang isang tao sa Panginoong Jesus, mananahan ang Banal na Espiritu sa kanya at magiging gabay kung paano tayo mamumuhay dito sa mundo. Sinabi naman ni Apostol Juan, “Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo…ang Banal na Espiritu na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan” (1 JUAN 2:26-27).
Ipinahayag ito Juan upang bigyang babala tayo sa anti-Cristo na itinatanggi na si Jesus ang Dios na nagkatawang-tao para iligtas ang lahat (T. 22). Marami rin tayong makakaharap na mga hindi naniniwala sa Dios. Gayon pa man, gagabayan tayo ng Banal na Espiritu. Mapagkakatiwalaan ang Kanyang paggabay upang manatili tayo sa tamang daan patungo kay Jesus.