Isinisisi at sinasabi ng ama ni Mercy na kinulam siya kaya nagkaroon siya ng malalang sakit. Ang totoo, mayroon siyang AIDS. Nang mamatay ang ama ni Mercy, lalong napalapit si Mercy sa kanyang ina. Pero may sakit din ang kanyang ina. Kaya makalipas ang tatlong taon, namatay ito. Mula noon, itinaguyod ng kapatid ni Mercy ang limang magkakapatid. Nagsimula ring isulat ni Mercy ang tungkol sa kanyang naranasang pagsubok at kalungkutan na dinanas.

Isinulat din naman ni Propeta Jeremias ang pighati na kanyang naranasan. Sa Aklat ng Panaghoy, mababasa ang pagmamalupit ng hukbo ng Babilonia sa mga Israelita. Labis ang hinagpis ni Jeremias lalo na sa mga batang biktima. Sinabi ni Jeremias, “Parang sasabog na ang dibdib ko sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi. Nawalan ng malay sa mga lansangan ang mga bata at mga sanggol” (2:11). Sinabi pa ni Jeremias, “Nawalan sila ng malay…hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina” (T. 12).

Maaaring maisip natin na tatalikuran ni Jeremias ang Dios dahil sa lupit na kanyang nasaksihan. Pero hindi iyon nangyari. Sa halip, hinikayat ni Jeremias ang mga Israelitang nakaligtas, “Bumangon kayo at humingi ng tulong sa Panginoon. Ibuhos ninyo sa Kanya ang laman ng inyong mga puso....Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa pananalangin para sa inyong mga anak” (T. 19).

Kahit pinahihintulutan ng Dios na maranasan natin ang ganoong pagtangis, kasama naman natin Siya at nakikidalamhati.