Bawat barya ay may dalawang panig. Ang harap nito ay tinatawag na ‘ulo’. Sinasabi na mula ito sa panahon ng mga Romano noon na naglalarawan sa pinuno ng isang bansa. Ang likod naman ay tinatawag na ‘buntot’. Maaaring tumutukoy ito sa larawan ng buntot ng leon na makikita sa baryang ginawa ng bansang Britanya.
Tulad ng isang barya, may dalawang panig din ang ginawang dalangin ni Jesus noong nasa hardin Siya ng Getsemane. Noong gabi bago ipako at mamatay si Jesus sa krus, nanalangin Siya ng ganito: “Ama, kung maaari ay ilayo N’yo sana sa Akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban Ko ang masunod kundi ang kalooban Ninyo” (LUCAS 22:42). Nang sabihin ni Cristo na ‘ilayo N’yo sana ang paghihirap na darating’, makikita natin ang katapatan ni Jesus sa Kanyang dalangin. Ipinapahayag din nito personal Niyang hangarin na nagsasabing, “Ito ang nais Ko.”
Pagkatapos noon, parang binaliktad ni Jesus ang isang barya nang sabihin naman niya sa Kanyang dalangin na ‘Hindi ang kalooban Ko ang masunod’. Ito naman ang panig ng pagaabandona. Pag-aabandona sa sarili Niyang kagustuhan upang masunod ang nais ng Dios. Pagsasabi rin ito ng ganito, “Pero ano po ang nais N’yo Dios Ama?”
Ang dalawang panig ng dalangin na ito ay mababasa rin natin sa Mateo 26, Marcos 14 at binanggit sa Juan 18. Makikita naman natin sa dalanging iyon ang dalawang panig ng ninanais ni Jesus.