Idinadalangin pa ba ako ng mga tao? Ito ang tanong ng isang misyonero sa kanyang asawa noong dumalaw ito sa bilangguan. Dalawang taon nang nakakulong ang misyonero dahil sa kanyang pananampalataya kay Cristo. Laging may nakaambang na panganib sa buhay ng misyonero kahit nasa loob siya ng bilangguan. Hinihikayat naman ng misyonero na patuloy siyang idalangin, dahil alam niyang gagamitin ng Dios ang kanilang mga dalangin para sa dakilang layunin ng Dios.
Isang napakahalagang regalo ang ating dalangin lalo na sa mga taong pinagmamalupitan dahil sa kanilang pananampalataya. Alam naman ito ni Apostol Pablo dahil siya mismo ay nakaranas ng pagmamalupit dahil sa kanyang pagtitiwala kay Jesus. Sinabi ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Corinto, “Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia.
Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa” (2 CORINTO 1:8). Gayon pa man, sinabi rin ni Pablo na iniligtas sila ng Dios at nabuhayan ng pag-asa dahil nalalaman niyang iyon ang tugon ng Dios sa dalangin ng marami para kay Pablo (T. 10-11).
Kumikilos ang Dios sa buhay ng mga tao sa pamamagitan ng ating mga dalangin. Isang magandang paraan upang maipakita ang ating pagmamahal sa iba ay ang idalangin natin sila sa Dios.