Malapit nang maubos ang pasensya ng isang ama sa kanyang batang anak. Pero patuloy pa rin ito sa pagsigaw ng, “Gusto ko ng Ice Cream, Ice Cream!” Sa ginawang iyon ng bata, marami ang nakapansin sa kanila na nasa loob din ng mall. Kaya naman, sinabi ng ama sa kanyang anak na kailangan muna nilang puntahan ang nanay nito bago siya bigyan ng ice cream. Pero patuloy pa rin sa pagsigaw ng ice cream ang bata. Maya-maya may lumapit sa kanila na isang babae. Kaya naman, sinabi ng ama na sa babaeng lumapit na pasensya na dahil sobrang kulit ng anak ko.
Pero sinabi ng babae na, “Huwag mong kalilimutan na maliit na bata ang iyong anak. Kailangan mong maging mapagpasensiya at huwag agad magagalit.” Hindi man nabago ang sitwasyon nang mag-ama, pero malaking tulong ang mga sandaling iyon at maging ang ipinayo ng babae.
Naalala ko naman ang sinabing iyon ng babae sa Salmo 103 na isinulat ni Haring David. Sinabi ni David ang katangian ng Dios sa kanyang awit, “Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal” (T. 8). Sinabi pa ni David na makikita ang larawan ng Dios sa ginagawa ng ating mga tatay, “Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak, ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa Kanya” (T.13). Alam ng Dios Ama ang ating mga kahinaan (T. 14).
Madalas na makaranas tayo ng kabiguan at kahirapan. Gayon pa man, nakamamanghang malaman na lagi nating kasama, nagmamahal at nagpapasensya sa atin ang Dios Amang nasa langit.