Sa aming kumunidad, madali kaming nakakapag-abot ng tulong sa bawat isa dahil sa internet. Mayroon kaming grupo sa isang social media na kung saan ipinapaalam ng mga kapitbahay ko kung may namataan bang leon sa paligid o mayroong sunog. Madali rin naming nalalaman kung kinakailangang lumikas. Malaki ang nagawa ng internet upang mapagbuklod kaming magkakapitbahay.

Ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa iyong mga kapitbahay ay mahalaga rin noon sa panahon ni Haring Solomon. Mahalaga ang relasyon natin sa ating pamilya at malaking suporta ito sa atin. Gayon pa man, sinabi ni Solomon na malaki rin ang maitutulong ng kaibigan o kapitbahay. Sinabi ni Solomon, “Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan. At kung nasa kagipitan ka, hindi ka na hihingi ng tulong sa kapatid mo na nasa malayo. Ang malapit na kapitbahay ay mas mabuti kaysa sa malayong kapatid” (KAWIKAAN 27:10).

Ang ating mga kapamilya o kamag-anak ang lubos na magmamalasakit at handang tumulong sa ating mga pangangailangan. Pero kung malayo sila sa atin, wala silang masyadong maitutulong kapag dumating ang isang kalamidad. Pero ang mga kapitbahay at kaibigan natin ang siyang mabilis na makakapag-abot sa atin ng tulong.

Dahil naman sa teknolohiya ngayon, madali nalang para sa atin ang makipag-ugnayan sa mga mahal natin sa buhay. Kaya naman, maaaring hindi na natin pinapansin ang mga taong nasa paligid lang natin. Humingi tayo ng tulong kay Jesus na magkaroon tayo nang maayos na relasyon sa mga taong inilagay Niya sa paligid natin.