May ginawa noon ang kilalang dalubhasa na si Sir Isaac Newton na pag-aaral kung paano nakakatulong ang liwanag para makita natin ang iba’t ibang kulay. Nadiskubre ni Newton na kapag tumama ang liwanag sa isang bagay ay lumilitaw ang tunay na taglay nitong kulay. Kapag tinamaan naman ng liwanag ang snow, makikita natin ang puting-puti na kulay nito.
Mayroon namang binabanggit ang Biblia tungkol sa kulay ng kasalanan. Sa pamamagitan ni Propeta Isaias, ipinaalam noon ng Dios na nagkasala ang mga Israelita at inihalintulad ang kanilang mga kasalanan sa isang matingkad na pula. Pero ipinangako ng Dios na lilinisin Niya ito at papuputiin na parang snow (ISAIAS 1:18). Paano iyon mangyayari? Kung magsisisi at hihingi ng tawad ang mga Israelita sa Dios.
Salamat sa ginawang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay krus dahil personal na tayong makakalapit sa Dios Ama at makakahingi ng tawad.
May sinabi naman si Jesus tungkol sa liwanag, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa Akin ay…magkakaroon ng Ilaw na nagbibigay-buhay” (JUAN 8:12). Kung magsisisi tayo sa ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Dios sa pamamagitan ng pagtitiwala natin kay Jesus. Ibig sabihin, tinitingnan tayo ng Dios kung paano Niya tinitingnan si Jesus – isang walang kapintasan.
Hindi natin kailangang namuhay sa kahihiyan dahil sa nagawang kasalanan. Sa halip, magtiwala tayo kay Jesus at sa pangako ng Dios na patatawarin Niya tayo. Maaasahan din natin na lilinisin tayo ng Dios at magiging kasing puti ng snow muli ang ating buhay.