Masasabi kong pagod na pagod na ako. Pagod na ang katawan ko. Pagod na akong mag-isip at dahil dito, hindi ko na rin makontrol ang emosyon ko. Nagsimula ito noong lumipat kami ng tirahan. Nang dumating na kami sa bagong bahay pero luma naman, napansin ko na marami pa kaming kailangang gastusin para ayusin ang bahay. Nasira pa ang aming sasakyan kaya wala kaming magamit sa loob ng 2 buwan. Hindi naman masyadong makakilos ang aking asawa dahil inoperahan siya sa kanyang likod. Kaya naman, sumakit ang aking katawan dahil sa ginawa naming pag-aayos ng mga gamit sa bahay. Sa mga pangyayaring iyon, nagsimulang magbago ang pag-uugali ko. Naging masungit ako. Paano ako mananatiling matatag sa pananampalataya kung puro paghihirap ang dinadanas ko?
Habang nananalangin ako, ipinaalala sa akin ng Dios ang pagpupuring ginagawa ng mga sumulat ng Salmo ay hindi nakabatay sa mga pangyayari. Makikita naman natin sa mga isinulat na Salmo ni Haring David ang kanyang emosyon na nagpapahayag ng kanyang kahinaan at paghingi ng tulong sa Dios (SALMO 16:1).
Nagpapasalamat si David sa Dios na siyang nagbibigay ng lahat ng kanyang pangangailangan (T. 5-6). Pinupuri Niya ang Dios at sumusunod sa Kanyang payo (T. 7). Sinabi pa ni David, “dahil Kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag” (T. 8). Kaya naman, nagpupuri si David dahil sa piling ng Dios matatagpuan ang ligayang walang hanggan (T. 9-11).
Pasalamatan natin ang Dios na hindi nagbabago sa kung sino Siya. Patuloy din nawang tumatatag ang ating pananampalataya, sa pagkaalaam na kasama natin ang Dios at kumikilos Siya para tulungan tayo.