May isinulat na kanta si Bart Millard na sumikat ng husto noong 2001. Pinamagatan niyang, “I Can Only Imagine” ang kanta. Inilalarawan ng kanta ang isang kamanghamanghang kalagayan sa piling ng Dios. Nakapagbigay naman sa amin ng lakas ng loob ang bawat salita sa awiting iyon. Namatay kasi ang anak kong si Melissa sa isang aksidente. Iniisip ko kung ano ang kalagayan ni Melissa sa piling ng Dios.
Habang inaalala ko at iniisip ang aking anak na si Melissa, pinuntahan ako ng tatay ng kaibigan ni Melissa. Nakita ko ang pag-aalala niya sa akin at pakikiramay. Sinabi rin niya na hindi niya lubos maisip kung ano ang pinagdaraanan ko. Nakatulong sa akin ang kanilang pakikiramay at mga salitang nakakapagpalakas ng loob. Nakatulong iyon upang malampasan ko ang napakadilim na bahagi na aking pinagdaraanan.
Dumanas din naman ni Haring David ng matinding pagsubok sa buhay na parang dumadaan siya sa pinakamadilim na libis (SALMO 23:4). Napakasakit ang mamatayan ng mahal sa buhay. Napakahirap din kung paano mo ito agad matatanggap at kung paano mo malalampasan ang madilim na bahaging ito ng buhay.
Ipinangako naman ng Dios na kasama natin Siya sa pagharap sa matitinding pagsubok sa buhay. Para sa mga nagtitiwala kay Jesus, ang kamatayan ng ating katawan ay nangangahulugang makakapiling na natin ang Dios (2 CORINTO 5:8). Ang katotohanang ito ang magbibigay sa atin ng buhay na pag-asa sa hinaharap.