Isang pastor ng mga kabataan si Geoff. Nagpapastor siya sa lugar kung saan siya natutong gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Binago ng Dios ang puso at kalagayan ni Geoff sa isang nakakamanghang paraan. “Nais kong tulungan ang mga kabataan dito para hindi nila danasin ang mga kamalian at hirap na pinagdaanan ko. At tutulungan sila ni Jesus.” Pinalaya ng Dios si Geoff mula sa pagkakalulong niya sa ipinagbabawal na gamot. Binigyan siya ng magandang bunga ng Dios sa kabila ng mga nakaraan niya.
Tulad ng nangyari sa buhay ni Geoff, nagkakaloob pa rin ang Dios ng magagandang bunga mula sa mga hindi magagandang pangyayari sa buhay natin. Ang karakter sa Biblia na si Jose ay may ganitong karanasan. Binenta siya ng mga kapatid niya para maging alipin sa Ehipto. Napagbintangan at nabilanggo si Jose. Nakalimutan siya ng mga taong tinulungan niya. Pero muli siyang itinaas ng Dios. Naluklok siya bilang kanang-kamay ng Faraon.
Maraming buhay ang natulungan at nailigtas niya. Kabilang dito ang mga kapatid niyang nagbenta sa kanya. Pinagpala ng Dios si Jose sa Ehipto. Nagkaroon siya ng anak at pinangalanan niya itong Efraim (mula sa salitang Hebreong “pinagbunga ng marami”). Ayon kay Jose, “Dahil sa tulong ng Dios, naging masagana ako sa lugar na nakaranas ako ng mga paghihirap” (GENESIS 41:52).
May pagkakatulad ang kuwento nina Geoff at Jose. Isang katotohanan ang ipinapakita ng mga buhay nila: Kahit may mga hindi magagandang pangyayari sa buhay natin, kayang-kaya itong gamitin ng Dios para maging mabunga at maging pagpapala sa iba. Tapat ang Dios sa mga nagtitiwala sa Kanya.