Matapos pumanaw ang mga asawa nila, nakilala nina Robbie and Sabrina ang isa’t isa. Nagmahalan sila, nagpakasal, at pinagsama ang bawat pamilya nila. Nagtayo sila ng bagong tahanan. Tinawag nila itong Havilah (mula sa salitang Hebreong ibig sabihin ay “namamaluktot sa sakit”). Tumutukoy ito sa resulta ng isang magandang bagay mula sa kalungkutan. Ayon sa mag-asawa, hindi nila ginawa ang tahanan nila para kalimutan ang nakaraan nila. Nais nilang lumikha ng panibagong buhay mula sa kahirapan. Nais nilang ipagdiwang ang pag-asa. Para sa kanila, ang tahanan nila ay “isang lugar kung saan ang lahat ng tao ay kabilang. Isa itong lugar na puno ng buhay at pag-asa sa hinaharap.”
Ganito rin ang magandang larawan ng bagong buhay natin kay Jesus. Mula sa kamatayan dahil sa kasalanan, muli Niya tayong binuhay na kasama Niya. Kapag nagtiwala tayo sa ginawa ni Jesus, maninirahan Siya sa mga puso natin (EFESO 3:17). Kabilang na tayo sa pamilya ng Dios sa pamamagitan ni Jesus (1:5-6).
Marami man tayong hirap na daranasin sa buhay natin, kaya itong baguhin ng Panginoon para bigyang halaga at kabuluhan ang buhay natin.
Binibigyan tayo ng Dios sa bawat araw ng pagkakataon para mas makilala Siya. Nais Niyang maranasan natin ang pag-ibig na kaloob Niya sa atin. Ang kasapatan natin ay na kay Jesus lamang (3:19). Hindi tayo iiwan ng Dios. Kabilang tayo sa Kanya. Ito ang dahilan para magkaroon tayo ng pag-asa sa habang panahon.