Namatay mula sa isang malagim na aksidente ang nanay ni Chris na si Shondra. Pero natagpuan ni Chirs ang sarili niya na sinasabi ang mga salitang ito, “Mananaig ang pag-ibig sa galit.” Kabilang ang nanay niya at walo pang mga tao ang namatay sa isang aksidente matapos ang isang pag-aaral tungkol sa Biblia. Ano kaya ang nagbago sa buhay ng binata para masabi ang mga salitang iyon? Nagtitiwala si Chris kay Jesus. Tinuruan siya ng nanay niya na “mahalin ang bawat tao nang buong puso.”
Sa Biblia naman, masasaksihan natin ang paghatol sa dalawang kriminal kasama ang walang kasalanang si Jesus (LUCAS 23:26-49). Ipinako sa krus ang tatlo (TAL. 33). Ang dalawang kasama ni Jesus ay nagbubuntong-hininga at dumadaing habang nakapako sa krus. Pero ganito ang namutawi mula sa mga labi ni Jesus: “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (TAL. 34).
Punong-puno ng galit ang mga taong nagpako kay Cristo sa krus. Pero nanaig sa puso ni Jesus ang pagmamahal. Kahit nasa kalbaryo, dakilang pag-ibig ang ipinakita Niya.
Nakaranas ka na ba ng matinding galit, matinding pighati at kalungkutan? Nawa’y agad kang manalangin sa Dios kapag naranasan mo ito. Maging halimbawa nawa ang ginawa ni Jesus. Pinanaig Niya ang pag-ibig at pagmamahal sa kabila ng galit at kalungkutan.