Ang What We Keep ay isang koleksyon ng mga panayam ni Bill Shapiro. Dito ay ibinabahagi ng bawat tao ang isang bagay na importante sa kanila o nagdudulot ng matinding saya sa kanila o isang bagay na hindi nila malilimutan.
Dahil dito, naisip ko kung ano kaya ang mga bagay na nagbibigay kasiyahan sa akin. Isa rito ay listahan ng mga lutuin na isinulat pa ng nanay ko na tumagal na nang apatnapung taon. Isa rin ay ang mga kulay rosas na tasa na mula sa aking lola. Sa ibang tao naman, mahalaga para sa kanila ang mga tawanan at ngiti ng mga apo nila, o ‘di kaya isang magandang aral mula sa salita ng Dios.
Pilit naman nating itinatago sa ating mga puso ang mga bagay na nagdudulot sa atin ng matinding kalungkutan gaya ng pagaalala. Itinatago natin ito pero mabilis itong bumabalik sa ating mga alaala. Pilit nating itinatago ang galit at sama ng loob. Pero mabilis itong lumalabas at tumatanim sa mga isip natin.
Nagbigay naman si Apostol Pablo sa mga taga-Filpos kung paano mapupuno ng kasayahan ang mga puso nila. Pinaalalahanan niya ang mga ito na palaging magalak, maging malumanay, at idulog ang lahat sa Dios sa panalangin (FILIPOS 4:4-9).
Maganda ang paalala ni Pablo na sa tulong ng Dios, mapapawi ng kasayahang mula sa Kanya ang bawat lungkot na nadarama natin. Ang kapayapaang mula sa Dios ang mag-iingat sa mga puso at isip natin dahil tayo’y na kay Cristo (TAL. 7). Nararapat na pinupuno natin ang ating isip ng mga bagay na totoo, kapuri-puri, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais (TAL. 8).