Pinamunuan ni Ernest Shackleton (1874-1922) ang isang ekspidesyon para marating ang Antartika. Ang pangalan ng barko nila ay Endurance. Pero hindi ito naging matagumpay. Naipit sa makakapal na yelo ang barko. Tunay na naging puno ng pagtitiis ang paglalayag. Dahil hindi sila makahingi ng tulong sa iba, agad na ginamit nila Shackleton ang lifeboats para makarating sila sa pinakamalapit na pampang.
Nagpaiwan na sa isla ang ilang kasamahan nila. Pero si Shackleton at lima pang kasama ay naglakbay ng 800 milya sa loob ng dalawang linggo para masagip ang iba nilang kasamahan. Ang tinatawag na “hindi matagumpay na ekspedisyon” ay naging matagumpay dahil nakaligtas sila. Salamat sa lakas ng loob at pagtitiis nila.
Nalalaman rin naman ni Apostol Pablo kung paano ang magtiis. Habang nasa isang mabagyong paglalakbay patungo sa Roma para humarap sa paghatol sa kanya bilang tagasunod ng Dios, kinausap siya ng anghel ng Dios. Sinabi ng anghel na lulubog ang barkong sinasakyan niya. Pero pinalakas ni Pablo ang loob ng mga kasamahan niya. Salamat sa pangako ng Dios na lahat sila ay makakaligtas kahit pa nasira ang barko (GAWA 27:23-24).
Kapag nakararanas tayo ng matitinding problema sa ating buhay, nais nating bigyan agad ng Dios ng solusyon ito. Pero patuloy na nagkakaloob ang Dios ng kalakasan para magtiis tayo at tumatag ang pagtitiwala natin sa Kanya. Sinabi ni Pablo, “At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis” (ROMA 5:3). Dahil dito, natutulungan din natin ang iba na mas tumibay ang pagtitiwala sa Dios.