Natapos ang plano ni Jane na maging speech therapist noong malaman niya sa internship na masyadong mahirap para sa emosyon niya ang trabahong iyon. Pagkatapos, nabigyan siya ng pagkakataon na magsulat para sa isang magazine. Hindi niya makita ang sarili bilang isang manunulat, pero matapos ang mga taon, natagpuan niya ang sarili na nagtataguyod sa mga nangangailangang pamilya sa pamamagitan ng pagsusulat niya. “Kung lilingunin ko ang nangyari, nakikita ko na kung bakit binago ng Dios ang mga plano ko,” sabi niya. “May mas malaki Siyang plano para sa akin.”

Napakaraming kuwento ng mga nasirang plano sa Biblia. Sa pangalawang pagmimisyon ni Pablo, ginusto niyang dalhin ang mabuting balita sa Bitinia, pero pinigilan sila ng Espiritu ni Jesus (GAWA 16:6-7). Nakakapagtaka iyon. Bakit sinisira ni Jesus ang mga planong nakaayon naman sa misyong bigay ng Dios? Dumating ang sagot sa isang pangitain: Mas kailangan siya ng Macedonia. Doon, itatayo ni Pablo ang unang iglesiya sa Europa. Napansin din ni Solomon, “Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng Panginoon ang masusunod (KAWIKAAN 19:21).”

Mabuti ang paggawa ng mga plano. Sabi nga sa kasabihan, “Ang mga taong hindi nagplano ay nagpaplanong mabigo.” Pero puwedeng sirain ng Dios ang ating mga plano, gamit ang sarili Niyang plano. Ang hamon sa atin ay makinig at sumunod, lalo pa’t alam nating puwede tayong magtiwala sa Dios. Kung susuko tayo sa Kanyang kalooban, matatagpuan natin ang ating sarili na akma para sa layunin Niya sa ating buhay.

Habang patuloy tayong gumagawa ng mga plano, kailangan natin ng konting pagbabago: Magplano tayong makinig. Makinig sa plano ng Dios.