Ayon sa survey na ginawa ng National Book Development Board noong 2017, maraming Pilipino ang mahilig pa ring magbasa ng libro. May mga nagbabasa para maglibang, iyong iba para matuto ng mga bagong bagay, at may iba naman na gustong pabutihin ang kanilang bokabularyo. Gumugugol ng ilang oras ang isang tao sa pagbabasa ng mga libro anuman ang anyo nito—nilimbag man, e-book, o audiobook.
Salamat sa Dios maraming biniyayaan ng kakayahang gumawa ng magandang kuwento at magturo, magbigay ng inspirasyon at lakas ng loob, gamit ang kanilang mga salita. Para sa isang mambabasa, walang maikukumpara sa isang magandang libro! Ang pinakamabentang libro sa lahat, ang Biblia, ay ginawa ng maraming manunulat na nagsulat ng mga tula at prosa— magagandang kuwento iyong iba, iyong iba ay hindi masyado— pero lahat ay kinasihan ng Espiritu.
Gaya ng paalala ni apostol Pablo kay Timoteo, “Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay” at magagamit ng mga anak ng Dios sa “lahat ng mabubuting gawa” (2 TIMOTEO 3:16-17). Ang Biblia ay nagbibigay sa atin ng hatol, inspirasyon, at tulong upang mabuhay tayo para sa Kanya. Ginagabayan tayo nito patungo sa katotohanan (2:15).
Huwag nating kalimutan na maghanap ng oras para basahin ang pinakamainam na libro sa lahat, ang Biblia.