Matutukoy kung saan iginuhit ang isang mapa base sa kung ano ang nasa gitna nito. Gawi nating isipin na ang tahanan natin ang sentro ng mundo, kaya nilalagyan natin ng tuldok sa gitna at gumuguhit tayo mula roon. Maaaring ilang kilometro pa ang layo ng malapit na bayan pero lahat iyon ay nilalarawan base sa kaugnayan nito sa lugar kung nasaan tayo. Gumuhit ng “mapa” nila ang Salmo mula sa tahanan ng Dios sa lupa noong Lupang Tipan, kaya Jerusalem ang sentro ng biblikal na heograpiya.
Ang Salmo 48 ay isa sa maraming awit na pumupuri sa Jerusalem. Ang tinukoy na “kanyang bayan, kanyang banal na bundok” ay “mataas at maganda, at nagbibigay kagalakan sa buong bundo” (T. 1-2). Dahil “Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,” “patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman” (T. 3, 8). Nagsimula ang katanyagan ng Dios sa templo sa Jerusalem at kumalat sa “buong mundo” (T. 9-10).
Malibang binabasa mo ito habang nasa Jerusalem ka, wala sa sentro ng mundo ng Biblia ang tahanan mo. Gayunpaman, napakaimportante ng rehiyon mo kasi hindi titigil ang Dios hangga’t hindi umaabot ang papuri sa Kanya sa “buong mundo” (T. 10). Gusto mo bang makibahagi para maabot ng Dios ang layunin niya? Sumamba ka bawat linggo kasama ang mga anak ng Dios, at hayagan kang mabuhay kada araw para sa kaluwalhatian Niya.
Aabot ang katanyagan ng Dios sa “buong mundo” kapag itinalaga natin sa Kanya ang lahat-lahat sa atin, at ang lahat ng mayroon tayo.