Bago tuluyang magpaalam ang maliit naming apo, lumingon muna siya at nagtanong, “Lola, bakit ka po tumatayo sa bakuran at pinapanood kaming umalis?” Napangiti ako sa kanya dahil sa cute niyang tanong. Pero sinubukan ko siyang bigyan ng magandang sagot, “Kagandahang-loob iyon. Kung bisita kita, pinapakita kong nag-aalala ako sayo ‘pag binantayan kita hanggang sa makaalis ka.” Nagulumihanan pa rin siya kaya sinabi ko ang isang simpleng katotohanan. “Binabantayan kita kasi mahal kita. Kapag nakita kong nakaalis na ang kotse n’yo palayo, alam kong maingat kayong makakauwi.” Ngumiti siya at binigyan ako sa yakap. Sa wakas, naintindihan niya na.
Pinaalala nito ang bagay na dapat lagi nating tinatandaan— na ang Dios natin sa langit ay parating nagbabantay sa bawat isa sa atin na mga minamahal Niyang anak. Gaya ng sinabi sa Salmo 121, “Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo; Siya’y kasama mo upang ikaw ay patnubayan.” (T. 5).
Ito’y katiyakan para sa mga Israelita na umaakyat sa mga delikadong daan sa Jerusalem para sumamba. “Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi. Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan” (T. 6-7).
Ganundin, sa pag-akyat natin sa mga bundok ng buhay, minsan humaharap tayo sa mga bantang espirituwal pero, “Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man.” Bakit? Dahil sa pag-ibig Niya. Kailan? “Ngayon at magpakailanman” (T.8).